Ang Saranggola
Rading, Paquito, Nelson… pakinggan ninyo ang kwentong ito. May isang lalaki, walong taong gulang. Humiling siya sa kanyang ama ng isang guryon.
“Anak, ibibili kita ng kawayan at papel. Gumawa ka na lamang ng saranggola,” wika ng ama.
“Hindi ako marunong, Tatay,” anang batang lalaki.
“Madali ‘yan. Tuturuan kita,” sabi ng ama at tinapik sa balikat ang anak.
Bumili nga ito ng papel at kawayan at tinuruang gumawa ng saranggola ang anak.
“Tatay… ibili mo ako ng guryon,” sabi uli ng bata sa ama.
“Anak, pag-aralan mo na lamang mapalipad ang saranggola nang mataas. Madadaig mo ang taas at tagal ng lipad ng guryon!”
Nainis ang bata sa kanyang ama.
“Kinakantyawan ako sa bukid, Tatay,” anang bata. “Anak daw ako ng may-ari ng kaisa-isang istasyon ng gasolina sa bayan… bakit daw kay liit ng saranggola ko!”
Nagtawa ang ama at tinapik na naman sa balikat ang anak.
Tinuruan nga ng ama ang bata ng higit na mataas na pagpapalipad ng saranggola, pati na ang pagpapatagal niyon sa kalawakan. Nalagpasan nga ng saranggola niya ang ilang guryon. Ang iba namang guryon na lumipad nang pagkataas-taas ay nalagutan ng tali at nagsibagsak, bali-bali ang mga tadyang, wasak-wasak.
Minsan sa pagpapataas ng lipad ng kanyang saranggola, napatid ang tali niyon. Umalagwa ang saranggola. Hinabol nilang mag-ama iyon at nakita nilang nakasampid sa isang balag.
“Tingnan mo…hindi nasira,” nagmamalaking wika ng ama. “Kung guryon ‘yan, nawasak na dahil sa laki. Kaya tandaan mo, ang taas at tagal ng pagpapalipad ng saranggola ay nasa husay, ingat at tiyaga. Ang malaki ay madali ngang tumaas, pero kapag nasa itaas na, mahirap patagalin doon at kung bumagsak, laging nawawasak.”
Nakalimutan na ng batang iyon ang tungkol sa saranggola nang maging katorse anyos siya. May iba na siyang hilig; damit, sapatos, malaking baon sa eskwela, pagsama-sama sa mga kaibigan.
“Anak… dalawang sapatos lamang ang gagamitin mo sa pasukang ito. Kung masira, saka na papalitan. Magtitipid ka rin sa damit at huwag kang gasta nang gasta. Hindi madaling kitain ang salapi,” pagunita ng kanyang ama.
“Kawawa nga ako, Tatay,” katwiran ng bata. “Anak ako ng tanging may-ari ng istasyon ng gasoline at machine shop sa bayan natin, pero ang itsura ko… parang anak ng pobre.”
“Disente ka naman, a. Malinis ang damit mo, husto ka sa mga gamit sa eskwela at husto ka rin sa pagkain. Hindi dapat sobra sa mga pangangailangan ang isang kabataang tulad mo. Hindi natututuhan ang pagtitipid.”
Hindi naunawaan ng bata ang paliwanag ng ama at nagkaroon siya ng hinanakit dito. Tinipid siya sa lahat ng bagay, hinigpitan sa pagsama-sama sa mga kabarkada at madalas, pinatatao sa istasyon ng gasolina at pinatutulong sa machine shop kung araw na walang klase.
“Pinahihirapan talaga ako ng Tatay,” puno ng hinanakit ang tinig na pagsusumbong ng bata sa ina. “Kaisa-isa pa naman akong anak, ang turing niya sa akin… parang ampon!”
“Hindi totoo ang sinabi mo, anak,” malumanay na sansala ng kanyang ina sa paghihinanakit niya sa ama. Alam mo mataas ang pangarap niya para sa iyo.”
“Bakit? Ano ang gusto niya para sa akin?”
“Ibig niyang maging mahusay kang inhinyero.”
Hindi na kumibo ang bata at hindi rin napawi ang hinanakit niya sa ama. Gayunman, hindi siya makapaghimagsik dito. Iginagalang niya ito at pati ang kanyang ina.
Nang labingwalo na siya napagkaisahan ng kanyang mga barkada na kumuha sila ng commerce.
“Mabuti ‘yon. Magsama-sama tayo sa isang unibersidad,” mungkahi ng isa sa limang magkakaibigan.
Pumayag siya. Ngunit nang kausapin niya ang ama, tumutol ito.
“Inoobserbahan kita, anak. Hindi mo hilig ang commerce. Palagay ko mechanical engineering ang bagay sa iyo. Tanungin mo ang iyong ina.”
Masama man ang loob, sumangguni pa rin siya sa ina.
“Hindi sa kinakampihan ko ang iyong ama, anak. Pero sa tingin ko….engineering nga ang bagay sa iyo. May machine shop tayo…sino ba ang magmamana niyon kundi ikaw?”
Nasunod ang kanyang ama at napilitan siyang tumiwalag sa kanyang barkada. Napag-isa siya sa pag-aaral sa lunsod at ngayong binata na siya, hindi na hinanakit kundi paghihimagsik sa ama ang kanyang nadarama.
“Ayoko nang mag-aral, Inay,” sabi niya sa kanyang ina nang dalawin siya nito sa dormitoryo. “Tipid, pagtitiis, kahihiyan lamang ang dinaranas ko rito. Bakit ako ginaganoon ni Itay? Gusto ba niya akong pahirapan?”
Pinayapa ng kanyang ina ang kanyang kalooban.
“Magtiwala ka sa amin, anak. Wala kaming gagawin ng iyong ama kundi makabubuti sa iyong hinaharap.”
“Makabubuti ba sa akin ang magmukhang basahan at magdildil ng asin?”
“Makabubuting matuto kang magtiis. Pagkatapos mo naman ng pag-aaral at magtagumpay ka sa hanapbuhay, magiging magaan sa iyo ang lahat.”
“Bakit kailangan ko pang magtagumpay? Hindi ba’t ipamamana ninyo sa akin ni Itay ang ating kabuhayan?”
“Totoo iyan, anak…pero paano mo mapauunlad ang ating kabuhayan kung hindi mo alam ang mga hirap sa pagtatayo niyan?”
Hindi maintindihan ng binata ang sinabi ng kanyang ina, subalit naisip niyang makapagtitiis pa siya. Isinubsob na lamang niya ang ulo sa pag-aaral.
Nakatapos naman ng inhinyerya ang binata. Hindi siya pangunahin sa klase, ngunit sa pagsusulit sa gobyerno, nakabilang siya sa nangungunang unang dalawampu.
“Ngayon anak…bibigyan kita ng limampung libong piso. Gamitin mo sa paghahanapbuhay,” sabi ng kanyang ama nang makuha na niya ang lisensiya bilang mechanical engineer.
Namangha siya.
“Akala ko…ako na ang hahawak ng ating machine shop pagkatapos ko ng pag-aaral,” nawika niya sa ama.
“Bata pa ako, anak. Kaya ko pang mag-asikaso ng hanapbuhay na iyan. Saka ibig ko, magpundar ka ng sariling negosyo.”
“Bakit pa, Itay? Mayroon na tayong negosyo.”
“Mabuti na ‘yong makatindig ka sa sarili mong mga paa.”
Tinanggap niya ang halagang ipinagkaloob ng ama. Humiwalay na rin siya ng tirahan sa mga magulang.
“Alam kong malaki ang hinanakit mo sa iyong ama. Gayunman, ibig kong isaisip mong, ang kinabukasan mo ang lagi niyang inaalala.”
Ngunit may lason na sa kanyang isip. Hindi na siya nanininwala sa sinabi ng kanyang ina. Naging lubos ang paghihimagsik niya sa kanyang ama.
Nagtayo siya ng isang machine shop sa dulo ng kanilang bayan. Agad-agad siyang pinagsadya ng kanyang ama.
“Bakit hindi pa sa ikatlong bayan ka nagtayo ng machine shop? Magkukumpetensiya pa tayo rito.”
“Akala ko ba’y bahala na ako sa buhay ko, Itay?”
Natigilan ang kanyang ama. Saka napapailing, nag-iwan pa ito ng salita bago lumisan.
“Kung sa bagay…mabuting magturo ang karanasan!”
May isang taon ding nagtiyaga ang binata sa pamamahala ng kanyang maliit na machine shop sa dulong bayan. Kakaunti ang kanyang parokyano dahil higit na malaki ang machine shop ng kanyang ama at mahusay ang mga tauhan nito. Nagkautang tuloy siya ng labindalawang libo sa mga kinukunan niya ng materyales. Nang hindi siya makabayad, inilit ang mga makinang kanyang ginagamit.
“Nabigyan na kita ng pang-umpisang puhunan. Hindi ka sumunod sa mungkahi ko na umiwas sa kumpetisyon. Subukin mo namang maghanap ng puhunan sa sarili mong pagsisikap.”
Noon nagsiklab ang binata. Nakalimutan niya ang paggalang sa mga magulang. Dumabog siya sa harap ng ama.
“Ano kayong klaseng ama? Bakit ninyo natitiis ang inyong anak? Kasiyahan ba ninyong makitang nahihirapan ako?”
“Ibig kong matutuhan mo ang lahat ng nangyayari sa buhay na ito. Hindi madali ang mabuhay sa mundo, anak.”
“Hindi ba kaya may mga magulang ay para gumaan ang buhay ng mga anak?”
“Ang ikagagaan ng buhay ng mga anak ay wala sa mga magulang kundi nasa mga itinuturo nila sa mga ito.”
Nagkahiwalay ng landas ang mag-ama. Naglayas ang binata nang hindi man lamang nagpaalam kahit sa ina. Nagpalipat-lipat sa kung saan-saang trabaho hanggang pagkaraan ng limang taon, nakaipon siya ng sampung libong piso at nakabili ng maliit na machine shop. Kumuntrata siya ng paggawa ng tambutso sa isang auto assembler at kumita siya nang malaki. Sa loob ng tatlong taon, gumawa na rin ang machine shop niya ng mga partes ng kotse.
Ang dugo ay dugo, anang kasabihan, kaya dinadalaw ang lalaki ng kanyang may edad nang ina. Isang araw, dumating ito sa kanilang bahay, gaya ng dati may pasalubong sa tatlong apong lalaki.
“Ibig ng Itay mong makita ang kanyang mga apo, pero hindi siya makadalaw dahil sa hinanakit mo,” sabi ng kanyang ina.
“Kinalimutan ko na, Inay, na nagakaroon ako ng ama!”
Umiyak ang kanyang ina.
“Kung gayon… baka hindi na kayo magkita, anak!” nawika nito bago umalis.
Sa tindi ng hinanakit, hindi pa rin niya binigyang-halaga ang bulalas na iyon ng kanyang ina. Nagpakagumon siya sa trabaho, naghanap pa ng mga bagong kontrata hanggang sa loob pa ng dalawang taon, kilala na ang kanyang machine shop sa Pasay. Isang araw, hindi niya dinatnan ang kanyang asawa at tatlong anak sa bahay.
“Nasaan sila?” usig niya sa katulong.
“Umuwi ho uli sa probinsya. Patawirin daw ho ang inyong ama!”
“Umuwi uli? Bakit, lagi ba sila roon?”
Tumango ang tinanong na katulong.
“May dalawang ulit na hong regular silang nagpupunta roon. Dinadalaw ang inyong matanda.”
May poot na sumiklab sa kanyang dibdib. Nanlambot siya sa galit. Ngunit sa pagkaunawang patawirin ang kanyang ama, nagbalik sa kanyang isip ang masasayang sandali sa piling nito. Nagunita niya ang pagpapalipad nila ng saranggola.
“Wala sa laki ng saranggola ang pagpapalipad at pagpapatagal niyon sa itaas, nasa husay, tiyaga at ingat iyan!”
Magdamag siyang hindi mapalagay. Lagi niyang naiisip ang sinabing iyon ng kanyang ama. Kinabukasan, sakay ng kanyang kotse, nagbalik siya sa bayang sinilangan.
“Patay na siya!” bulalas ng kanyang asawang umiyak sa kanyang dibdib.
May nabugnos na moog sa kanyang puso. Nahalinhan ng pagsisisi ang hinanakit. Nilapitan niya ang ina at sa pagkakayakap dito, umiyak siya nang marahan, kasamang nagdadalamhati ang lahat ng himaymay ng kanyang laman.
“Huwag kang umiyak… namatay siyang walang hinanakit sa iyo.” Anas ng kanyang ina.
“Wa-walang hinanakit?”
“Oo, anak… dahil natupad na ang pangarap niya. Nasa itaas ka na. At sabi niya sa akin, pati sa asawa mo… nakatitiyak siya na makapananatili ka roon.”
Nang lapitan niya ang kabaong ng ama at tunghayan ang mga labi nito, parang lumundag ang kanyang puso at humalik sa pisngi ng yumao. Kasunod niyon, nagunita na naman niya ang pagpapalipad nila ng saranggola.
“Wala sa laki ng saranggola ang pagpapalipad at pagpapatagal niyon sa itaas. Hayaan mo… tuturuan kita!” paliwanag na ama.
Rading, Paquito, Nelson…tandaan ninyo ang kwentong iyan. Kwento ‘yan namin ng inyong namatay na lolo. Kwento naming dalawa.