Kuya Estong
MALAT ang tinig na binasa ni Mang Estong ang kanyang tula sa harapan naming mga kasama niya sa KAPILING, isang samahan ng mga manunulat sa London. “Kamanunulat na Pilipino sa Inglatera” ang ibig sabihin ng Kapiling.
Nguni’t dahil marahil sa magpipitumpung taon na si Mang Estong, tila hindi na siya makabigkas nang maganda. Bukod sa malat ang tinig niya’y hindi na niya gaanong mabigyang-buhay ang tulang binabasa o binibigkas. Gayunma’y dinig kong mahusay naman ang sinulat na tula ng matanda.
Nang kabataan daw ni Mang Estong ay mahusay siyang mambibigkas. Luma raw ang kanyang mga kababatang makata sa kanilang lalawigan. Kung malungkot ang tula’y kaya niyang magpaiyak, at kung nakatatawa ang tula, kaya niyang magpahalakhak. Ayon kay Jennifer, ang editor ng Pinoy’s Courier dito sa London at kamembro namin sa Kapiling, sinira raw ng alak ang tinig ni Mang Estong. Subali’t bukod sa makata’y kuwentista at nobelista pa raw si Mang Estong, sabi niya.
“Jenny, bakit mo alam na sobra kung uminom at sinira ng alak ang tinig ni Mang Estong sa pagbigkas?” tanong ko.
“Nakakausap ko kasi siya, at naipagtapat niya sa akin,” kumindat siya, “malakas daw siyang uminom lalo na nang kabataan pa niya.”
“Uy, mukhang friend mo siya, ha?”
“E, nakikipagkaibigan siya e.”
“Talaga, ha?”
“Alam mo namang hindi ako suplada,” ngiti ni Jenny, “saka mabait naman siya.”
“Baka may gusto sa ‘yo,” biro ko. “Balo ‘yon, di ba?”
“Ay, ‘no ka ba?”
“Pag nagkataon, magkakaroon ka ng boy friend, at the same time, may Daddy ka pa.”
“E, ano namang masama no’n,” nakatawa si Jenny, “wala siyang asawa at dalaga naman ako!”
Tinutudyo ko si Jenny dahil sa hindi ang pagkamakata at pagkamanunulat ni Mang Estong ang umuukilkil sa isip ko. May lumalaganap na balitang pilyo raw siya sa tsiks. At ang mga tsiks na nabibiktima niya ay pawang mga bata pa. Halos kakalahati o sasangkatlo ng edad niya ang pumapatol sa kanya. At si Jenny na dalaga at dalawampu’t walong taon lamang ay halos sing-edad ng misis ko. Kaibigang matalik namin ng asawa ko ang diyurnalistang ito. Gusto namin siyang paalalahanan.
Papaano kaya nagagawa ni Mang Estong na bumingwit ng kay babatang dalaga? Nagtataka ako, hindi naman siya guwapo. May gayuma yata sa babae.
O baka naman kaya dahil sa mayaman si Mang Estong. Kasi retiradong Bar Tender siya sa London Hilton. Malaki raw ang kita ng Bar Tender nang panahon niya sa otel.
Nakabili raw siya ng isang four-bedroom house, ipinagbili niya ngayong maedad na siya, at bumili na lamang ng isang munting flat. Mukhang malaki ang naipon ni Mang Estong. Limpak daw ang deposito niya sa Building Society.
Anuman ang talagang dahilan ng pamimleyboy ni Mang Estong, basta gusto namin ng misis kong babalaan si Jenny.
“Jenny, nais naming paalalahanan ka tungkol kay Mang Estong,” turing ni misis, “mukhang malapit na malapit ka sa kanya.”
“E, maano naman ‘yon,” sagot niya, “nakikipagkaibigan lamang naman ‘yong tao.”
“Alam mo ba ang lumalaganap na usap-usapan tungkol sa kanya?” tanong ko.
“Ano ‘yon?” nakatingin sa amin si Jenny. “Parang worried na worried kayong mag-asawa.”
“Playboy daw si Mang Estong,” sabi ni misis, “at maraming nabibiktimang mga babaeng simbata mo at ang iba’y mas bata pa sa iyo. Worried kami sa ‘yo dahil matalik ka naming kaibigan.”
“Ano ba naman kayo,” napahagikhik si Jenny, “ang tanda-tanda na no’ng tao, saka hindi naman lumiligaw sa akin. Baka naman tsismis lang ang nasasagap n’yo.”
“Basta gusto naming mag-ingat ka,” aniko, “ayaw naming may pagsisihan ka sa bandang huli.”
“O, sige, salamat sa mga paalaala ninyo,” nakangiti ang magandang kaibigan namin, “mag-iingat na po, promise!”
Alam namin ng misis kong hindi nababahala si Jenny sa kabila ng aming mga paalaala. Tuloy siya sa pakikipagmabutihan kay Mang Estong. Hindi kami tumigil, malimit na sinusubaybayan namin si Jenny, lalo na kung alam naming kasama ang matandang palikero.
Sa isang restorang-Pilipino sa Earls Court nasubaybayan namin si Jenny. Nakakuha kami ng impormasyon na kakatagpuin daw niya roon si Mang Estong.
Maagap kaming dumating ng asawa ko sa Earls Court, sa hindi kalayuan sa restoran. Binantayan namin si Tandang Estong at si Jenny sa isang kubling lugar, sa isang parke na may upuan, hindi kami makikita.
Lumipas ang ilang minuto, nakita naming dumarating ang kotse ni Mang Estong na pumarada sa harap ng restoran. Umibis siya sa sasakyan. Magara ang bihis ng matanda. Dahil sa summer, nakabarong-Tagalog at brown ng pantalon. Mas batang tingnan kaysa talagang edad niya. Pumasok siya at naupo sa isang mesang malapit sa bubog na dingding. Transparent ang dingding at nakikita ang mga tao sa loob. Sa kinaroroonan namin, kitang-kita si Mang Estong.
Kapagkuwan, dumating si Jenny na sakay ng isang mini-cab. Ang ganda-ganda niya. Sa soot niyang bestidang dilaw na walang manggas ay litaw na litaw ang kanyang kaputian. Katamtaman ang taas ng takong ng soot niyang sapatos. Nasok si Jenny sa loob ng restoran at naupo sa katapat na upuan ni Mang Estong. Lumapit ang waiter at nakita naming nag-order sila ng kakanin at iinumin.
“Ling, masayang-masaya sila,” puna ni misis. “parang may relasyon na yata sila.”
“Mag-obserba pa tayo,” sabi ko, “baka naman magkaibigan pa lang.”
“Sige, hindi tayo aalis hangga’t hindi sila lumalabas ng restoran.”
Nakita naming nagtatawanan at nagtutuksuhan ang dalawa habang kumakain. Tila ba malapit na malapit ang damdamin nila sa isa’t isa. Gusto ko nang maniwalang si Jenny ay magiging biktima ng kapilyuhan sa babae ni Mang Estong.
Nagpatuloy kami ng pagmamasid. Nabaghan kami nang makita naming nakahawak si Mang Estong sa kamay ni Jenny. Mayamaya lamang ay tumayo at lumabas na ng restoran ang dalawa. Sa labas, bago sumakay ng kotse si Mang Estong ay ginawaran niya ng halik sa pisngi ang dalaga. Tumawag si Jenny ng taxi at umalis na rin.
Sa loob-loob ko, marahil naghiwalay sila ng sasakyan upang hindi mahalata na talagang magsiyota na sila. Nahihiya rin marahil sa kapuwa Pilipino dahil sa agwat ng kanilang mga edad. Datapwa’t kung talagang tunay na umiibig sila sa isa’t isa, hindi sila dapat na mahiya.
Naragdagan ang kutob kong gusto lamang biktimahin ni Mang Estong si Jenny.
Lumaki pang lalo ang aming pangamba ng misis ko nang sa mga pagpupulong ng Kapiling ay nakikitang laging magkatabi sina Mang Estong at Jenny. May mga nagsasabi pang kung nalalasing sa pakikipag-inuman ang matanda ay sinusundo ito ng dalaga naming kaibigan.
Nakikiramdam pa rin ako sa mga nangyayari, nguni’t ang asawa ko’y hindi na mapalagay.
“Ano kaya ang mabuti nating gawin, Ling? We should not give up,” nakakunot-noo ang misis ko. “Umisip pa tayo ng ibang paraan upang iligtas si Jenny.”
“Sa susunod na miting namin sa Kapiling,” sabi ko, “kakausapin ko na si Mang Estong.”
“Ano naman ang sasabihin mo?” nakatingin siya sa akin, “baka masabihan ka ng… mind your own business!”
“Hindi naman marahil, kasi sasabihin ko sa kanyang concerned lamang tayo kay Jenny.”
“Sana nga ay hindi magalit sa iyo si Mang Estong pag kinausap mo.”
“Ang idalangin mo ay huwag bibiktimahin o lolokohin ni Mang Estong si Jenny, dahil pag ginawa niya ‘yon,” nagtiim ang aking mga bagang, “bugbog sarado siya sa akin!”
LUMIPAS ang isang buwan, dumating ang takdang araw ng pagpupulong ng Kapiling. Inabangan ko si Mang Estong.
Nagsimula na ang pagpupulong. Wala si Mang Estong at hanggang sa matapos ang pulong ay hindi sumipot. Hindi alam ng Pangulo kung bakit wala si Mang Estong. Ang ipinangamba ko, wala rin si Jenny. May kutob akong magkasama sila at napapahamak na nang husto ang kaibigan naming journalist sa kamay ng matandang pilyo sa girls.
Umuwi ako sa bahay at ibinalita ko sa asawa kong wala sa pulong ng Kapiling si Mang Estong, saka wala rin si Jenny.
Nagpasiya kaming puntahan sa kanilang tahanan si Mang Estong at doon namin siya kakausapin.
Sa flat ni Mang Estong, nag-door bell kami. Walang nagbubukas ng pinto. Baka sira ang door bell. Paulit-ulit kaming kumatok. Wala ring nagbubukas. Mayamaya’y may lumapit sa aming isang Pilipinong naninirahan sa karatig na flat ng matanda.
“Wala pong tao riyan,” sabi ng lumapit sa amin. “Dinala po siya ng ambulansiya sa ospital.”
“Bakit, ano’ng nangyari sa kanya?” gulat ko. “At saang ospital siya dinala.?”
“Basta nakita ko na po lamang na may ambulansiya sa tapat namin at usung-usong si Mang Estong na isinakay,” pahayag ng kausap namin. “Ang dinig ko po’y sa Central London Hospital dadalhin.”
Sugod kami ni misis sa ospital. Habang sakay kami sa kotse na patungo roon, tila ba nawala na sa amin ang hindi mabuting mga hinala kay Mang Estong. Habag sa matanda ang wari’y humalili sa aming damdamin.
Hindi namin sukat akalaing daratnan namin sa ospital si Jenny. Nasa labas siya ng ICU (Intensive Care Unit) at umiiyak. Nang makita niya kami’y yumakap siya sa misis ko, napahagulgol siya.
Lumikha ng ingay ang paghagulgol ni Jenny, kaya nilapitan kami ng isang nurse at inihatid si Visitor’s Room. Tahimik kaming naupo.
Si Jenny ang unang nagsalita, aniya’y siya ang tumitingin sa matanda.
“Malubha siya, Ate,” aniya. “May kanser siya sa atay at may taning na ang kanyang buhay!”
“H’wag kang mawalan ng pag-asa,” bulong ni misis. “May awa ang Diyos.”
“Mahal ko siya, Kuya,” binalingan ako ni Jenny, “at talagang balak ko nang ipagtapat sa inyo ni Ate ang aming relasyon.”
Nanahimik kami ni misis.
“Kahi’t matalik tayong magkakaibigan, Kuya, Ate,” nakatungo si Jenny, “marami pang mga bagay kayong hindi alam tungkol sa akin.”
Mataman kaming nakikinig.
“Laki ako sa Lola,” may luhang gumilid sa mata niya. “Maliit pa ako nang iwan ako kay Lola ng mga magulang ko.”
Ayon kay Jenny nagtaksil sa tatay niya ang kanyang inay at sumama ito sa ibang lalaki. Subali’t hindi nagtagal ay namatay ang inay niya, kasama ng kalaguyo nito, sa isang motor accident. Ang pagkatuklas sa kataksilan ng asawa at ang pagkamatay nito sa piling ng kalaguyo ay labis na ipinagdamdam ng kanyang tatay.
“Ano’ng ginawa ng tatay mo?” si misis
“Naglayas at nagpakalayu-layo si Tatay.”
“At iniwan ka niya?”
“Oo,” humikbi siya, “naiwan ako kay Lola.”
Maykaya raw sa buhay ang Lola ni Jenny at napapag-aral siya nito. Napapagtapos siya sa kolehiyo. Pangarap niyang makapangibayong-dagat, kaya humingi siya ng pahintulot sa kanyang Lola upang makapagtrabaho sa ibang bansa. Pinayagan daw siya. At nagkapalad siyang makarating at makapaghanapbuhay sa London
Sa bahaging ito ng pagsasalaysay, nakayukong huminto at nagbuntunghininga si Jenny. Namayani ang katahimikan.
At ako ang bumasag ng katahimikang yaon.
“Jenny, ‘lam mo bang sinubaybayan ka namin nang magkita kayo ni Mang Estong sa restoran sa Earls Court noong isang buwan?”
“Talaga?”
“Pero nang lumabas kayo ng restoran, bakit naghiwalay kayo ng sasakyan. Si Mang Estong ay sa kotse niya at ikaw naman e nag-taxi.”
“Kinailangan kong dumaan sa opisina ng Pinoy’s Courier, at magkaiba ang direksiyon ng pupuntahan namin,” wika ni Jenny.
“Bakit nga pala may usap-usapang babaero si Mang Estong at ang pinipili pa’y yaong lubhang mga bata kaysa kanya?” tanong ni misis.
“Naipagtapat niya sa akin, Ate, na noon ay sabik siya sa pagtingin ng nakababatang kapatid at nakikita niya iyon sa mga nakababatang kaibigan niyang manunulat na dalaga. Wala siyang anumang masamang motibo.”
“Kung gayo’y mali ang bulung-bulungan at iniisip ng mga tao,” sabi ko naman.”
“Oo, Kuya, maling-mali ang hinala nila sa kanya. Malinis at maganda ang isipan at puso niya, sinlinis at singganda ng kanyang mga tula.”
Talamak na ang kanser sa atay ni Mang Estong at namatay siya sa ospital. Labis na ipinagdamdam ni Jenny ang lahat.
Sa gabi ng paglalamay sa yumao, naroon kami ng asawa ko. Nakalaan kaming magbigay ng anumang tulong na kailangan ni Jenny sa kanyang pagdadalamhati.
Hindi pa naitatakda ang libing ni Mang Estong.
“Jenny, kailan ba ang libing ng boy friend mo?” tanong ko.
“Hindi ko siya boy friend, Kuya”
Namangha ako, “bakit, nagpakasal na ba kayo… secretly married ba kayo?”
“Hindi rin, Kuya.”
“Kung hindi, e… bakit nagmamalasakit ka sa kanya nang ganito?”
Tinitigan niya ako, “Kuya, siya ang…” may luhang naglandas sa kanyang pisngi.
“Sino nga siya?” hinawakan ko siya sa balikat.
Yumakap siya sa akin, “Siya ang ama ko!” bigla siyang humagulgol.
Tigalgal kaming napaupo ni misis sa kalapit na sopa!