Sister Elena
NASA underground si Fidel ng Baron Court. Labasan ng mga tao mula sa kanilang pinapasukan. Rush hour. Dumating ang tren sa himpilan at bumukas ang pinto. Mabilis na pumasok sa sasakyan ang binata at ang iba pang mga taong nag-aabang. Sa isang bakanteng upuan, naupo siya. Sa tabi niya, may isang magandang dalagang sa wari niya’y Filipina. Nagkatinginan sila.
“Pinay ka?”
“Oo, Kuya.”
“Ako si Fidel. Matagal ka na ba sa London?”
“Kailan lang. Si Elena ako.”
“Sa’n ka bababa?”
“Sa istasyon ng Kings Cross. Ikaw?”
“Do’n din ako e…sabay na tayo sa paglabas.”
“Sige.”
Nagsimulang tumakbo ang tren. Dahil sa magkababayan, nagkumustahan at nag-usap sila. Nagkapalagayang-loob. Magaan ang damdamin sa isa’t isa. Hindi nagtagal, tumigil ang tren sa kanilang destinasyon.
Nagkakagulo at nagtatakbuhan ang mga tao nang umibis sina Fidel at Elena sa tren. Nasa himpilan na sila ng Kings Cross. Nagsisigawan ang mga tao.
“Fire! Fire! There is a fire in this station!”
Tumutunog nang tuluy-tuloy ang fire alarm. Napahawak si Elena sa kaliwang braso ni Fidel. “May sunog, Kuya.”
“H’wag kang matakot, hindi kita pababayaan,” sabi ni Fidel.
Sinundan nila ang pulutong ng mga taong tumatakbong papaakyat sa huminto na sa pag-andar na iskaleytor. Hindi bumibitiw si Elena sa pagkakahawak sa binata. Takot na takot siya.
Nang araw na iyon, galing ang binata sa gusali ng negosyong ipinababahala sa kanya ng ama sa London, isang import-export enterprise, samantalang ang dalaga’y buhat sa tanggapan ng Tagpuang-Pilpino. Si Elena’y sangkot at aktibo sa mga organisasyong kinabibilangan ng mga kababayan.
“Kuya, nagliliyab ang paligid. Baka mapahamak tayo!”
“Bilis ang takbo….”
“Magdasal tayo, Kuya.”
“Wala nang panahon! Magmadali ka…”
“Tumawag tayo sa Diyos!”
“Oo.”
Nang makarating ang dalawa sa may pintuan ng underground, naglalagablab na ito. Marami ang hindi makalabas. May nakaabang na mga sasakyang ambulansiya sa harapan. May mga sasakyan din ng pamatay-sunog at mga bumberong nagsisikap na mapuksa ang apoy. Nguni’t mataas at malawak na ang natutupok.
“Halika, lalabas tayo…tatakbo tayo nang mabilis!”
“Hindi ko kaya…takot ako. Baka mabagsakan tayo ng nagliliyab na mga kahoy at haligi.” Biglang nawalan ng malay si Elena. Nasalo ni Fidel ang dalaga bago natumba. Pinasan niya ito. Wala siyang sinayang na sandali. Sa tulong ng mga bumbero, mabilis niyang natakbo at nabagtas ang nagliliyab na pintuan. Nakalabas sa nasusunog na gusali si Fidel na pasan-pasan si Elena.
Dumalo sa dalawa ang ambulance men at inalalayang patungo sa nakahimpil na ambulansiya. Ilululan na sana si Elena na kasama si Fidel, nang magising ang dalaga. Mumukat-mukat ito at sinabing maayos daw lamang siya. Lumapit ang ambulance nurse, pinulsuhan at tiningnan ang blood pressure ni Elena. Mabuti raw naman ang kalagayan ng dalaga at hindi na kailangan pang dalhin sa ospital.
“Ihahatid na kita sa inyo.”
“H’wag na, Kuya…h’wag ka nang mag-abala. Mabuti na naman ang pakiramdam ko.”
Hindi na nagpilit si Fidel sa paghahatid sa dalaga. Bago sila naghiwalay ay isinulat ni Elena sa kapirasong papel ang kanyang address at telepono. Iniabot iyon sa binata.
“Kung may panahon ka sa Sabado, puntahan mo na lang ako sa address na ‘yan.”
“Sige, darating ako”
“Thank you for everything…See you.”
Kinagabihan, hindi dalawin ng antok si Fidel. Laman ng kanyang gunita si Elena. Naaalaala niya ang kanilang mga pag-uusap at ang karanasang muntik na nilang ikapahamak. Hindi makatkat sa isip niya ang kagandahan ng dalaga.
SABADO ng hapon. Gumayak si Fidel at lumulan sa kotseng BMW na katatapos lamang niyang kunin sa garahe sa malapit na Motor Repair Shop. Minaneho niya ang sasakyang patungo sa address na ibinigay sa kanya ni Elena. Hindi gaanong kalayuan ang tirahan nito kina Fidel, kalahating oras lamang na pagmamaneho.
Pinindot niya ang buton ng door bell ng isang magarang tahanan. Bumukas ang pinto.
“Magandang hapon po.”
“Magandang hapon naman.”
“Ako po si Fidel. Inaasahan po ako ni Elena.”
“Tuloy ka, Fidel, alam naming darating ka.” Isinama ang binata ng may-edad nang madre sa loob ng bahay. Pinaupo siya sa sopang nasa salas.
“Siyanga pala, ako si Sister Manuela, ang pinakamatanda sa mga madreng nakatira sa tahanang ito.”
Napansin ni Fidel na nakaabito ang kausap niya. “Si Elena po?”
“Sandali lamang at tatawagin ko siya.”
Parang binagsakan ng bomba ang dibdib ni Fidel nang lumabas si Elena. Nakasuot ito ng abito at may belo na nakalabas lamang ang mukha. Isa pala siyang madre, naisaloob ni Fidel.
“Salamat at dumating ka, Kuya Fidel.” Itinuro ang iba pang kasamang madre sa binata. “Sila ang mga kasama ko rito.”
Isa-isang nagsilapit ang mga madre sa binata, kinamayan ito, at nagpasalamat sa ginawang pagliligtas kay Elena sa sunog sa Kings Cross underground. Kapagkuwa’y umalis na ang mga madre. Naiwan ang binata at si Elena.
“Isa ka palang madre.”
“Oo, kuya.”
“Hindi mo pala ako dapat na tawaging Kuya. Dapat, ikaw ang tawagin ko ng Sister Elena.”
“Bayaan mo na lang na Kuya ang itawag ko sa ‘yo, nakasanayan ko na e, p’wede ba?” wika ng madre. “Ang tunay ko nga palang pangalan ay Maria Elena…Sister Maria Elena …pero tawagin mo na lamang ako ng Elena, okay?”
“Sige. Pero bakit hindi mo nabanggit sa akin nang nasa tren tayo na madre ka pala…saka bakit hindi ka nakasuot ng abito at belo noon?”
Ipinaliwanag ni Elena na kabilang siya sa Active na pangkat ng mga madre at pinapayagang walang belo at abito kung nasasa-labas. Sa loob daw ng kumbento at sa tirahan nila nagbibihis siya ng kasuotang pang-madre. Ipinadala raw siya ng nakatataas sa Filipino Chaplaincy sa London upang sumangkot sa mga organisasyon at tumulong sa mga kababayan. Sinasadya raw niyang hindi mag-abito at magbelo kung kahalubilo ng kapuwa Filipino sa labas upang ang mga ito’y hindi mangimi o mangilag sa pakikisalamuha sa kanya. Bago pumasok sa pagmamadre, nakapagtapos daw siya ng karera sa Pilipinas at isa siyang propesora na nagtuturo sa La Salle University bago isinugo sa ibayong-dagat.
“Active ba ‘ka mo ang tawag sa grupo ng madreng kinabibilangan mo?”
“Oo, Kuya Fidel.”
“E, ‘yong mga madreng lagi sa loob ng kumbento at di lumalabas?”
“Sila ang tinatawag na Contemplative Sisters…sadyang nakatalaga sila sa tahimik at taimtim na pananalangin lamang.”
Nagsalaysay din si Fidel ng mga bagay tungkol sa kanya. Sinabi niyang dito sa London siya pinapag-aral ng mga magulang. Nagtapos siya sa Oxford University. Isa siyang kuwalipikadong Accountant at nagdalubhasa sa Economics. Pinamamahalaan niya sa kasalukuyan ang negosyong ipinundar ng kanyang mga magulang, isang import-export enterprise.
“Mayaman ka pala, Kuya Fidel. Kung nanaisin mo’y makatutulong ka nang malaki sa ating mga kababayan sa bansang ito. Maaari kang umanib sa mga organisasyon ng mga kababayan natin.”
“Masyadong busy ako. Saka bakit ako makikilahok sa mga organisasyon dito? Alam mo bang ang karamihan sa mga samahang ‘yan ay pinamumunuan ng mga taong walang inaatupag kundi sariling kapakanan? Marami rito’y may pilosopiya, na ang buhay raw e kanya-kanyang pakikipagsapalaran…walang pakialaman. This is a free country. Kanyang buntot – kanyang hila; kanyang lutas – kanyang problema.”
“Kuya, hindi ganyan ang buhay na gusto ng Diyos para sa atin. Nais niyang mahalin natin ang ating kapuwa nang tulad sa pagmamahal natin sa ating sarili.”
Nagsikap si Elena na kumbinsihin ang binata sa makatao at maka-Diyos na paraan ng pamumuhay. Sinabi niyang naririto siya sa London upang ipalaganap sa mga kababayan ang pagtutulungan, pagdadamayan at pagmamahalan. Na kung isasa-puso ito ay magkakaroon ng makatuturang pananaw ang mga tao sa kahalagahan ng pag-asa at pananalig. Na ang mga tao’y nilikha ng Diyos hindi para sa sarili lamang, manapa’y para sa isa’t isa. Na tayo’y may pananagutang umibig sa Diyos na lumalang sa atin at sa ating kapuwa.
Sa mahusay na paglalahad ng madre ng mga kaisipang iyon, nakatungong tumahimik si Fidel. Ang mga katagang binibitiwan ni Elena’y naglagos mandin sa pinakaliblib na lugar ng puso ng binata.
“Kuya Fidel, para sa akin…at para sa Diyos, maaari bang mag-ukol ka ng panahon sa ating mga kababayan, at maging bahagi ka ng lipunang-Filipino sa bansang ito?”
May luhang gumilid sa mga mata ng binata. “Oo, Elena…Oo…gagawin ko!”
Nagmamaneho nang pauwi si Fidel pagkagaling sa tirahan ng mga madre. Isang van ng walang ingat na tsuper ang malakas na bumangga sa kanyang kotse. Isinugod ang binata sa malapit na ospital. Bagama’t hindi gaanong malubha ang pinsala, kinailangang tumigil siya sa pagamutan ng ilang araw.
“May dalaw po kayo,” sabi ng nurse. “Mukhang marami po sila.”
“Patuluyin mo,” tugon ni Fidel.
Nangunguna si Elena, kasunod ang ilang kababayan.
“Kuya, mabuti’t hindi gaanong malubha ang pinsalang natamo mo sa aksidente. Lagi kitang ipinagdarasal.”
“Maraming salamat.”
“Siyanga pala, Kuya Fidel,” tumingin sa mga kasama, “sila ang mga pinuno ng ilang organisasyon ng mga kababayan natin dito sa London.”
Kumamay na isa-isa sa binata ang mga bisita at iniabot ang ilang mumunting regalong dala nila. Hangad daw nila ang madaling paggaling ni Fidel.
Tumimo at nakabagbag sa puso ng binata ang pagdalaw ng mga kababayan. Taimtim siyang nagpasalamat nang magpaalam ang mga ito.
Makailang araw gumaling na si Fidel at lumabas na sa pagamutan.
MULA noon, naglaan ng panahon si Fidel para sa mga kababayan. Tuwing mga araw ng Sabado at Linggo, malimit na kasama siya ni Elenang nakikisalamuha sa kapuwa Filipino. Ginawa siyang tagapayo ng ilang samahan, at ito’y di niya tinanggihan. Kung hindi gaanong abala sa opisina, hindi man weekend, dumadalo siya sa pagpupulong ng mga organisasyon.
Nguni’t ang malimit na pagsama-sama ni Fidel kay Elena ay nagdulot sa puso ng masidhing pag-ibig sa kaibigan. Maraming mga gabing hindi siya makatulog. Umuukilkil sa kanya ang sinisikil na damdamin. Subali’t papaano niya mabibiglang-laya at maipagtatapat ang pag-ibig na iyon. Madre ang kaibigan niyang minamahal. Ang panliligaw niya rito’y talos niyang isang kalapastanganan. Sumisigaw ng pakundangan ang kanyang budhi! A, hindi siya makapagtatapat…hindi siya makapanliligaw…malaki ang paggalang niya sa kaibigan!
Di man nagsasabi’y batid ni Elenang hindi lamang siya hinahangaan ni Fidel. Nararamdaman niyang may banyagang damdaming iniuukol sa kanya ang binata. Maililihim ang maraming bagay, datapwa’t ang pag-ibig ay di maikukubli. Kung hindi man ang salita, ay nagkakanulo ang mga sulyap at mga kilos ng isang nagmamahal. Gusto na sana niyang iwasan ang binata, pagka’t sa damdamin niya’y may moog na rin ng maka-taong pag-ibig na unti-unting nalikha. Bagama’t isang madre, tao rin siyang may pusong nasasaling…marunong humanga at umibig. Nguni’t ang pag-iwas sa kaibiga’y alam niyang makaaapekto sa ginagawa niyang paglilingkod sa mga kababayan, gayon din sa nasimulan nang makabayang gawain ni Fidel. Nagpasiya siyang huwag nang iwasan ang binata. Sisikilin na lamang niya ang damdamin at pagbabawalan ang pusong umiibig.
LUMIPAS ang mga taon. Tapos na ang misyon ni Elena sa London. May natanggap siyang kalatas ng kautusan mula sa Madre Superyora. Idinidestino raw siya sa Roma, kung saan naroroon ang Mahal na Papa. Doon niya ipagpapatuloy ang paglilingkod sa Diyos.
Maraming Pilipinong naghatid kay Elena sa London Heathrow Airport. Maraming lumuluha…maraming nasasaktan…kabilang doon si Fidel.
Mahigpit na yumakap si Elena sa kaibigang binata, umiiyak, “Lagi kitang ipagdarasal, huwag kang makalilimot sa Diyos!”
“Oo,” basag ang tinig ng binata. “Asahan mong ipagdarasal din kita.”
Nakangiti, nguni’t lumuluha, habang papalayong kumakaway kay Fidel si Sister Maria Elena, ang madreng nagmulat sa kanya sa katotohanan ng buhay at natutuhan niyang ibigin nang lihim!