Masarap na Aguinaldo Part 43
She’s always on my mind
From the time I wake up
‘Til I close my eyes
She is everywhere I go
She’s all I know
Though she’s so far away
It just keeps getting stronger
Everyday
And even now she’s gone
I’m still holding on
So tell me where do I start
‘Cause it’s breaking my heart
Don’t want to let her go…
Maybe my love will come back someday
Only heaven knows
And maybe our hearts will find a way
Only heaven knows
And all I can do is hope and pray
‘Cause heaven knows
Nangingilid ang luha ni Dennis habang minamasdan ang hawak niyang wedding ring ni Diane at nakikinig sa kantang tumutugtog mula sa kanyang telepono. Inaaninag ang initials nila at petsa ng kanilang kasal na nakaukit sa loob niyon habang tuloy lang siya sa pag-inom.
Ang pag-uusap nilang mag-asawa na inaasahan niyang wawakas sa kanilang problema ay kabaligtaran ang kinahantungan. Tuluyan na ngang winakasan ni Diane ang lahat.
Hindi pala sapat na umamin sila sa mga salang nagawa. Hindi pala sapat na humingi sila ng patawad sa isa’t isa. Dahil sadyang napakalalim na ng sugat na idinulot sa kanila ng mga pangyayari.
Napakasakit man para sa kanya, kailangan niyang pakawalan si Diane. Kung hihilom man sila at muling magkakabalikan ay tanging ang nasa itaas ang nakakaalam.
Why I live in despair
‘Cause wide awake or dreaming
I know she’s never there
And all the time I act so brave
I’m shaking inside
Why does it hurt me so…
Maybe my love will come back someday
Only heaven knows
And maybe our hearts will find a way
But only heaven knows
And all I can do is hope and pray
‘Cause heaven knows
Heaven knows… heaven knows
Tuluyan nang bumuhos ang luha mula sa kanyang mga mata. Napasapo na lang ang mga palad ni Dennis sa kanyang mukha sa labis na panlulumo.
“Gago ako, Hon! Sorry!… I’m so sorry!” sambit ni Dennis. Yumuyugyog ang mga balikat at parang batang nagpapalahaw sa sobrang sakit na nararamdaman.
Nauunawaan niya ang pinanggagalingan ng asawa. Hindi niya masisisi si Diane sa pasya nito. Dahil maging siya man ay hindi niya magawang mapatawad ang kanyang sarili.
Doon mismo sa sofa na kanyang kinauupuan, doon nagsimula ang lahat. Ang larong inumpisahan niya na siyang naging ugat ng sanga-sangang pagkakasala. Mga kasalanang naglagay sa kanila sa masalimuot na sitwasyong kinasasadlakan nila ngayon.
Kung maaari nga lamang ibalik ang panahon. Kung pwede lang ibalik ang isang taong nakalipas ay tiyak na hinding-hindi niya pipiliin ang katuparan ng kanyang pantasya na ang magiging kapalit pala ay pagkasira ng kanyang pamilya.
Ngunit huli na. Nangyari na ang lahat. Sadyang nasa huli talaga ang pagsisisi.
————————-
Kasalukuyang kausap ni Diane ang mga magulang sa may hapag-kainan. Pagkauwi niya pa lang ay nakaabang na ang mga ito at umaasa sa magandang balita.
Ngunit bakas sa mukha ng kanilang anak na hindi maganda ang kinahinatnan ng pag-uusap ng mag-asawa. Agad din nilang napansin na wala na ang singsing sa kamay nito.
“Yun na ang best option… maghiwalay na lang kami.” malungkot na saad ni Diane.
“Eh paano si JR?! Paano ang apo ko niyan? Lalaking lito yung bata!”
Palakad-lakad ang balisang ina ni Diane. Hindi maitago ang pagkadismaya sa mag-asawa. Nangangamba para sa walang-muwang na apo na magigisnang hindi buo ang pamilya nito.
“Para sa kanya nga po ito… Ayokong lumaki siyang nakikitang nag-aaway kami palagi ng daddy niya.” mahinang tugon ni Diane.
Habang nagkakape ay kunot-noo at tahimik na nakikinig lamang ang papa ni Diane sa sagutan ng mag-ina. Tila pinag-aaralan at tinitimbang ng mabuti ang paliwanag ng anak.
“DJ… Hindi na ba talaga kayo magkakaayos ni Dennis?” diretsong tanong na nito.
“Hindi na, Pa. Masyado na kaming nasaktan pareho… Mauungkat at mauungkat lang lahat… It’s not healthy anymore for us both.”
“Dios mio! Kaya gano’n na lang?! Eh kung hiniwalayan ko ang papa mo noon edi ano, lumaki kayo ng ate mo na sira ang pamilya natin?! Ipaparanas niyo kay JR ‘yon?”
Napabuntong-hininga na lang si Diane. Inasahan na niyang sasabihin iyon ng kanyang mama. Na ikukumpara nito ang pinagdadaanan nila ni Dennis sa dating naging problema ng kanyang mga magulang.
Ngunit bawat mag-asawa ay iba ang sitwasyon at iba ang mga pagsubok na pinagdadaanan. Kaya naman iba’t iba din ang solusyon. Hindi lalapat ang isang solusyon para sa lahat.
“Magiging mabuting magulang pa rin naman kami sa kanya kahit magkahiwalay na kami… Who knows, baka maging magkaibigan pa kami ni Dennis later on… Basta balang araw maipapaliwanag ko din kay JR… at alam ko maiintindihan din niya.”
Napabuntong-hininga na lang ang ina ni Diane nang maupo ito sa kanyang harapan. Naiiling habang tinatanaw ang walang-muwang na apo na naglalaro sa may sala.
Sa mura nitong edad, kahit bulol pa ito ay nagtatanong na ito minsan kung nasaan ang kanyang daddy. Kung bakit umiiyak ang kanyang mommy. Kung kailan sila uuwi.
“Haaay… ang kawawang apo ko…” bulalas ng lola na bakas ang pagkadismaya sa tinig.
“Patawarin niyo po ako, Ma, Pa… Masakit din sa’min ni Dennis ‘to… Masakit din sa’kin!… Alam kong hindi niyo pinangarap para sa akin na magkaganito… magkaroon ng broken family… pero sana po maintindihan niyo ako…” at napayuko na lang si Diane habang tumatangis sa harap ng kanyang mga magulang.
“Oh tahan na DJ, nauunawaan naman namin ‘nak… Di mo lang maialis sa amin siyempre na mag-alala… tama na yan…” ani ng mama ni Diane na pinisil at hinimas ang braso ng anak upang aluin ito.
Tumayo naman ang papa ni Diane, nilapitan at niyakap ang umiiyak na bunso at hinaplos ang ulo nito.
“Tahan na… Kahit ano’ng mangyari anak, nandito lang kami ng mama mo para sa inyo ng apo ko.”
Sa mga sumunod na araw ay sinikap ni Diane na kumilos ng normal at ipagpatuloy ang buhay. Nagbe-bake pa din siya para sa kanyang mga kliyente at naglalaan ng oras upang makalaro at maturuan ng basic concepts ang musmos na anak.
Ngunit madaming pagkakataon na napapatulala na lamang siya sa malalim na pag-iisip sa mga nangyari. Kahit gaano siya kaabala sa mga bagay-bagay, minsan ay bigla na lang itong mapapaiyak.
Pilit na tinatanggap ang kanilang sitwasyon. Sinisikap na ikondisyon ang kanyang isip. Ngunit sadyang napakahirap.
Sa payo ng mga magulang at sa mungkahi na din ni Greg, napagpasyahan ni Diane na lumayo na muna at mapag-isa ng ilang araw. Kahit papaano, sa maigsing panahon ay makapagnilay. Baka sakaling muli niyang matagpuan ang kanyang sarili.
Kinontact niya si Greg upang magpatulong magbook sa resort ng kliyente nito. Nagkasundo silang magkita ng Linggo. Nataong may luluwasin din kasi si Greg sa Maynila nang weekend na iyon kaya’t nagprisinta na itong samahan si Diane papunta ng Batangas.
Itinigil na ni Diane ang pagtanggap ng orders at sa mga sumunod na araw ay tinapos na niya ang lahat ng nalalabing mga transaksiyon bago ang kanyang pag-alis.
Linggo ng tanghali.
“JR, be a good boy ha… play with your toys, wag laging tablet.” bilin ni Diane sa anak sabay halik dito.
“Ma, kayo na muna bahala dito kay JR ha.”
Tumango lang ang kanyang ina habang pinagmamasdan ang anak na panay ang halik sa kanilang apo habang nagpapaalam.
“Eh saan ba kasi ang punta mo? Bakit ba yaw mo sabihin sa’min?”
“Nako hindi na, Ma. Kilala ko kayo ni Papa, madudulas pa kayong sabihin kay Dennis eh. Basta tatawag naman ako madalas sa inyo.”
“DJ! Eto na, parating na yung taxi na kinawayan ko.” tawag ng papa ni Diane mula sa gate.
Hindi nagpasundo si Diane kay Greg mula sa kanilang bahay bagkus ay napag-usapan nilang magkita na lamang sa terminal ng bus. Nagdahilan siya sa mga magulang na hindi na lang magdadala ng kotse dahil wala din siya sa wisyo upang magmaneho ng malayuan at sumang-ayon naman ang mga ito.
Matapos maikarga ang kanyang mga gamit ay umalis na ang taxing sinasakyan ni Diane.
“Ah manong… may dadaanan po muna tayo ha…”
Bago dumeretso sa lugar kung saan sila magkikita ni Greg ay nagpadaan muna si Diane sa shop ni Dennis. Gaya ng inaasahan ay sarado ang pwesto. Gamit ang spare keys niya ay pumasok siya sa loob ng opisina ni Dennis at makalipas lang ang ilang sandali ay bumalik na agad sa taxi at tumuloy na sa byahe.
————————-
“Uy Diane… ok ka lang ba?” tanong ni Greg habang nagmamaneho.
“H-Ha? Oo ayos lang.”
Sa pagbagtas nila sa kahabaan ng SLEX ay kanina pa palingon-lingon si Greg kay Diane habang nakatanaw ito sa labas ng bintana. Magkwento man siya ay kundi tango lang ay maigsing tugon lang ang isasagot nito. Halatang napakalalim ng iniisip.
Hinayaan na lamang ni Greg. Iyon naman ang rason ni Diane para sa bakasyong iyon. Ang makapag-isip.
Isiningit na din nila ang pamimili ng supplies para sa ilang araw. Matapos makapamili ay dumeretso na sila sa kanilang destinasyon. Mag-a-alas quatro na nang makarating sila sa resort.
“Ang ganda pala dito, Greg…” sambit ni Diane habang minamasdan ang paligid.
Kumikinang ang dagat sa pagtama ng sinag ng araw sa ibabaw ng tubig. Malinis at maaliwalas ang kapaligiran. Dahil iilan lang ang tao ay tahimik at napakapayapa ng paligid.
Papunta sa Reception ay nadaanan nila ang isang magarbong pavilion kung saan ginaganap ang malalaking events sa resort. Nadaanan din nila ang mga beach casita na pawang nakaharap sa dagat at may glass na dingding.
“O di ba? Sayang nga, kundi lang sila sarado nung summer dahil sa COVID, yayayain ko sana kayong mag-anak na mag-outing tayong sama-sama dito eh!”
Nagkatinginan ang dalawa sa sinabi ni Greg. Napangiti ngunit kapwa din natigilan sa ideya na magsasama ang kanilang mga pamilya.
Tila sabay silang natauhan na malabo nang mangyari pa iyon sa hinaharap dahil sa gusot sa kanilang tatlo. Bukod pa sa namagitan kila Dennis at Pam na lingid kay Greg.
“Sayang nga.” tanging naisagot na lamang ni Diane.
Nang makapagcheck-in na si Diane ay sinamahan siya ni Greg papunta sa kanyang casita. Mula sa kama ay tanaw na tanaw ang view ng karagatan dahil sa salaming dingding ng malawak na silid na nakaharap sa pampang.
“Ano, ok ka na dito Diane?”
Tumango lamang ito habang patuloy na lumilibot sa silid. Tinatanaw din ang labas ng kanyang casita kung saan may malaking duyan sa ilalim ng mga puno.
“Kahit kaunti ang guests, bukas daw ang cafeteria at pwede din magpa-room service. Kung may iba kang kailangan, message mo lang ako ha para mapuntahan kita. Ilang bayan lang naman kami mula dito.”
“Sige Greg… Maraming salamat ha.”
At iniwan na nga ni Greg si Diane upang mapag-isa.
Alam niyang emosyonal ito ngayon dahil sa pinagdadaanan. Kung siya lang ay kaya niyang samantalahin iyon upang pumabor sa kanya ang pagkakataon. Ngunit may kung anong pumipigil sa kanya na isakatuparan ang matagal na niyang plano.
Matapos tumawag sa kanilang bahay ay nagbihis si Diane at nagpasyang magswimming. Inilapag niya ang bitbit na twalya sa isang recliner at dumeretso na sa tubig.
Dinig niya ang masayang tawanan mula sa mangilang taong naroon din sa resort na nagsuswimming sa may kalayuan. May ilang mag-anak at mayroon ding maliliit na grupo ng magkakaibigan.
Habang lumulutang sa tubig at tila nagpapatangay sa agos ay pinagmamasdan ni Diane ang pag-iiba ng kulay ng kalangitan sa paglubog ng araw. Mula sa asul ay unti-unti na itong nagkukulay kahel. Tanaw din niya ang pagdaan ng mga lumilipad na ibon sa himpapawid.
Ipinikit niya ang kanyang mga mata habang nakadipa sa ibabaw ng tubig at nagpapalutang. Tila kinakalma ng banayad na mga alon ang kanyang katawan at isip. Huminga siya ng malalim at sinamyo ang simoy ng dagat. Pilit na ipinapanatag ang kanyang kalooban.
Masyado siyang nagpatangay sa agos. Pinabayaan niyang lamunin ng pagnanasa at kamunduhan ang kanyang mga prinsipyo at paniniwala. Sumuong siya sa kasalanan at nagtaksil sa kanyang asawa. Bagay na hindi na niya mababago pa kahit labis-labis ang kanyang pagsisisi at panghihinayang.
Paano pa niya magagawang muling pakisamahan ang kanyang kabiyak. Gayong pakiramdam niya ay hindi na siya sapat sa pangangailangan nito. At hindi na rin siya nararapat sa pagmamahal at tiwala ni Dennis.
Paano siya magagawang patawarin ni Dennis. Gayong ni hindi nga niya magawang patawarin ang kanyang sarili.
Sa kanyang pagmulat ay nagkulay lila na ang himpapawid. Ang kaninang maaliwalas na kalangitan ay unti-unti nang nilalamon ng gabi habang lumulubog ang araw.
Tinanaw niya ang pampang at napansing napalayo na siya ng husto dahil sa pagpapatangay sa alon. Agad siyang bumalikwas at lumangoy na pabalik bago pa tuluyang abutan ng dilim sa gitna ng kawalan.
————————-
Lunes.
Nasa may duyan si Diane at nagrerelax sa ilalim ng lilim ng puno habang nagbabasa ng libro. Kaaalis lang ni Greg. Dinaanan siya nito upang kamustahin at dinalhan ng mainit na pan de sal bago bumalik upang puntahan ang plantasyon.
Nakakapanibago ang kinikilos ng kumpare ngunit masaya si Diane na tila nagbalik ang dating Greg. Noon pa man ay napakamaasikaso nila ni Elsa sa tuwing uuwi silang mag-anak ng Batangas upang magbakasyon.
Hindi niya maalis sa sariling magduda pa rin sa intensiyon nito matapos ang lahat ng mga nangyari. Ngunit naroon din ang kagalakan na parang nakita niyang muli ang dating Greg. Ang dating kumpare bago pa may nagsimulang mamagitan sa kanila noong nakaraang taon.
Napabalikwas si Diane nang marinig na nag-riring ang teleponong naiwan niya sa loob ng kwarto. Nagmadali siyang bumaba ng duyan at pumasok sa glass sliding door upang habulin ang tawag.
Dinampot niya ang telepono ngunit natigilan nang makita kung kanino galing ang incoming video call. Kay Pam.
Napabuntong-hininga si Diane habang nakatingin sa screen. Hindi malaman kung dapat pa ba niyang sagutin ang tawag. Napapaisip kung ano ang pakay sa kanya ng inaanak at kalaguyo ng kanyang mister.
“Oh Pam.”
Matapos sagutin ay ipinatong niya ang telepono sa desk sa loob ng silid at naupo sa tapat niyon. Ipinaling sa bakanteng dingding bilang background upang hindi mahalata ng kausap ang kanyang kinaroroonan.
Hindi mapigilan ni Diane na bahagyang magsalubong ang kilay habang nakatingin sa screen ng kanyang telepono. Sikapin man niyang kalmahin ang sarili ay di niya maiwasang mapakunot ang noo nang makita niyang muli si Pam.
Ang inaanak ng kanyang asawa na kung ituring nito’y para nang sariling anak. Ang anak ng kanilang kumpare na nakikipisan sa kanilang bahay sa Maynila. Ang babaeng wala siyang kaalam-alam ay nagkaroon pala ng lihim na relasyon sa kanyang mister.
“H-Hi ninang… k-kamusta po…”
Parang tinatambol ang dibdib ng dalaga sa kaba. Kay tagal inipon ni Pam ang lakas ng loob upang kausapin ang asawa ng kanyang ninong.
Kanina kung kailan nag-riring na ang kabilang linya ay halos putulin na niya ang tawag dahil sa kaba. Ngunit kailangan na niyang harapin ang pinangangambahan para na din sa kapanatagan ng kanyang kalooban.
“Ano’ng kailangan mo? Ba’t ka tumawag?”
Napahalukipkip ang mga braso ni Diane sa kanyang pagkakasandal. Hindi talaga maitago sa kanyang ekspresyon at tono ng boses ang nararamdaman habang nakikita niya si Pam sa loob ng silid nito.
Maganda. Mas bata. Mukhang inosente. Mukhang.
Malapit din siya kay Pam at parang naging ate na siya nito. Ngunit habang nakikita niya ang dalaga ay pilit sumisiksik sa kanyang isip ang imahe ng asawa habang kaniig ang babaeng kanyang pinagkatiwalaan at itinuring nang kapatid.
“Ninang… alam ko mahirap magpatawad… dahil napakalaki talaga ng kasalanan ko… Pero gusto ko lang malaman mo… I’m really sorry!! Pinagsisisihan ko lahat!”
Nangingilid ang luha ni Diane sa sama ng loob habang minamasdan si Pam na napasubsob sa mga palad nito habang umiiyak. Hindi malaman kung ano ang itutugon sa paghingi nito ng tawad.
“Hindi ko intensiyon na makasira ng family niyo ninang… maniwala ka sakin!”
Panay ang hikbi ng dalaga habang humahagulgol. Kahit nabubulol na sa pagsasalita dahil sa pag-iyak ay nagpatuloy pa rin ito habang tahimik na nakikinig lamang si Diane.
“Bata pa ‘ko, crush ko na si ninong… kahit alam kong anak lang talaga ang turing niya sa’kin. Nung may nangyari, iniwasan na niya ‘ko… dahil mahal na mahal ka niya… pero ako ang mapilit…”
Nag-init ang tainga ni Diane sa mga naririnig. Nanginginig ang dibdib sa pagtitimpi. Kung ano-anong masasakit na salita ang hinihiyaw ng kanyang isip at gusto niya sanang ibato kay Pam.
Malandi. Walang hiya. Makati. Walang utang na loob. Ahas.
“Maniwala ka man o hindi ninang… matagal nang tapos ang sa’min ni ninong. Yun ang totoo. Pero kahit pinagsisihan ko na ang lahat, hindi pa din ako pinapatahimik ng kunsensiya ko… kaya gusto kong sa’yo na mismo humingi ng tawad…”
Muling napabuntong-hininga si Diane. Nagbalik sa kanyang alaala ang mga naganap noong Mayo bago sila lumuwas pabalik nang Maynila.
“Pam… nakita mo sana kung paano ginulpi ng ninong at papa mo si Tata Kaloy… Pinagbintangan siyang nagnakaw!… Pinalayas ang pamilya nila… Yun naman pala… totoo yung sinasabi niya na may relasyon kayo?! Kaya siya finrame-up ni Dennis?!”
Napaahon ang mukha ni Pam sa nadinig. Tila muling nagbalik ang bangungot na iyon. Diretso itong nakatingin kay Diane at humihikbing ipinagtapat ang malagim na pangyayari na kanyang itinatago.
“Ni-rape niya ‘ko, ninang. Ni-rape ako ni Tata Kaloy.” nanlulumo nitong sambit.
Nanginginig ang mga labi at baba ni Pam habang tuloy-tuloy ang daloy ng mga luha. Napasapo naman ang palad ni Diane sa kanyang bibig dahil sa nadinig.
“Nung nakatunog si Tata Kaloy tungkol sa amin ni ninong, binlackmail na niya ako na magsusumbong siya sa’yo at kay papa… minolestiya… hanggang sa pinwersa na niya ‘ko para makuha ang gusto niya…”
“Pam! Bakit hindi ka nagsumbong?! Bakit hindi ninyo siya ipinakulong at kinasuhan?!”
“Ayokong ma-eskandalo ninang. Ayokong mapagtsismisan. Kaya please… ‘wag na sana makarating kay papa… Tanggap ko na rin naman… Iyon na siguro ang karma ko… ‘yon siguro ang parusa sa akin sa mga nagawa kong kasalanan…”
May hinanakit man ay hindi din maiwasan ni Diane na mahabag sa sinapit ni Pam. Kahit sinong babae ay hindi nararapat na pwersahin kung ayaw nito. Batid niyang habambuhay na nitong dadalhin sa kanyang isip ang traumatic experience na iyon.
“Ang gusto ni ninong noon… ipapatay si Tata Kaloy… para matigil na ang mga pagbabanta niya… Pero inawat ko siya… Hindi ako pumayag.”
Natigilan si Diane at bahagyang nakaramdam muli ng selos nang malamang kaya pala ni Dennis na kumitil ng buhay nang dahil kay Pam.
“At yun na lang ang naisip na paraan ni ninong para mawala na yung hayup na matandang ‘yon!… Frame up… Kasi nalaman ko kay ninong na pati pala ikaw… dinedemand ni Tata Kaloy na kapalit ng pananahimik niya.”
Hindi makakibo si Diane habang pilit na inuunawa ang mga rebelasyong iyon ni Pam. Hindi na malaman kung ano ang mararamdaman para dito at kay Dennis.
“Kaya pala gan’on na lang ang galit si ninong noon… kasi pati ikaw gusto idamay ng demonyong ‘yon… Kaya ginawa ni ninong ang lahat… para protektahan ka din, ninang. Para hindi na makalapit si Tata Kaloy sa atin.”
Ilang sandaling katahimikan ang namagitan sa dalawang babae. Kapwa dumadaloy ang luha sa kanilang mga mata. Pilit naghahanap ng sasabihin.
“Pam… Sinagip mo ang buhay ni JR… Hinding-hindi ko makakalimutan yon at habambuhay kong tatanawin sa’yong utang na loob… Dahil kung hindi dahil sa’yo… baka nawala na ang anak ko…”
“Pero sana maunawaan mo na… hindi gano’n kadaling makalimutan ang lahat ng nangyari… kasi napakasakit talaga, Pam… sobrang sakit…”
Panay man ang pahid ni Diane ng kamay sa kanyang mga pisngi ay patuloy pa rin ang pagdaloy ng mga luha. Ngunit kahit naroon pa rin ang sakit at galit, kahit papaano ay malaking bagay ang ginawang pag-amin ni Pam at paghingi nito ng tawad sa kanya.
“Naiintindihan ko ninang… Sapat na sa akin na pinakinggan mo ‘ko… Maraming salamat…”
————————-
Martes.
Kasalukuyang nag-aagahan ang mag-aama sa hapag-kainan. Hindi napigilan ni Greg na pagsabihan ang kanyang unico hijo dahil sa paggamit nito ng telepono sa lamesa.
“Oy Kyle, hindi ba rule ko ‘yan… bawal ang cellphone sa lamesa? Ikaw, kung magpuyat ka kaka-CP mo… kakain lang hindi ka pa maawat saglit dyan?”
“Sorry, Pa…” paghingi ng binatilyo ng paumanhin at agad na ibinulsa na ang telepono nito.
“Ayan kasi…” pang-aasar naman ni Pam.
“Ikaw Pam, mano bang turuan mo ‘yang kapatid mo sa mga gawaing-bahay. Sabi ni Manang pati kwarto nyan siya pa naglilinis?!”
Napatikom na lang ang bibig ni Pam sa paglipat sa kanya ng sermon ng kanilang papa. Nginisihan naman iyon ni Kyle at may kasama pang sipa sa ilalim ng mesa upang inisin ang kanyang ate.
“Matuto kayong dalawa sa buhay ha, hindi yung naka-asa kayo lagi sa kasambahay… Paano kung wala na ako?”
“Sige Pa, tuturuan ko… Hoy narinig mo yun ha Panget?… Kaya susunod ka sa ipagagawa ko mamaya sa’yo ha…”
Irap at pag-make face lang ang itinugon ni Kyle sa pambubuska ng kanyang ate.
Nang maubos ni Greg ang kanyang kape ay tumayo na ito at naghandang umalis. Niligpit naman ni Pam ang kanilang pinagkainan dahil abala ang kanilang kasambahay sa paglalaba sa likod ng bahay. Muli namang inilabas ni Kyle ang kanyang cellphone at nagbalik sa paglalaro.
“Alis na’ko Pam… ikaw na bahala dyan sa kapatid mo ha… Kyle, makinig at sumunod ka sa ate mo ha…”
“Ok Pa, yari yan sa’kin mamaya…” sagot ni Pam habang nakatalikod at abalang naghuhugas ng mga pinggan.
“Uh-uhm!” sagot naman ni Kyle sabay tango habang nanatiling nakapako ang mata sa telepono.
Nangingising napailing na lang si Greg sa kanyang mga anak habang minamasdan ang dalawa. Kahit naman madalas mag-asaran ang mga ito ay alam niyang mahal nila ang isa’t isa at lalaki silang magkasangga sa buhay.
Dumeretso na si Greg sa farm at nagpasyang mamayang hapon na lang puntahan si Diane upang kamustahin. Maghapon siyang naging abala sa mga delivery at iba pang kailangang asikasuhin sa plantasyon. Dahil Disyempre ay mataas ang demand kaya naman abalang-abala sila sa farm.
Kinahapunan, matapos ang lahat ng dapat niyang asikasuhin at nang makapaghabilin sa mga tauhan ng gagawin ay umalis na siya papunta sa resort. Iyon na ang huling gabi ng pagbabakasyon ni Diane doon at nakatakda nang mag-check out kinabukasan.
Pagdating niya sa resort ay nadatnan niya si Diane na nakaupo sa isang beach cabana. Bahagya itong natatabingan ng manipis na puting kurtinang nililipad-lipad ng hangin. Tanaw niya si Diane na malayo ang tingin at tila malalim ang iniisip kaya’t hinayaan niya muna itong mapag-isa.
Naupo si Greg sa isang malaking bato sa ilalim ng puno ng niyog sa di kalayuan. Nakatanaw din siya sa kumikislap na dagat habang pababa na ang araw. Maya-maya ay nagulantang nang biglang may nagsalita mula sa kanyang likod.
“Ay Amang… Meryenda na… mainit pa ere.” alok ng ale bitbit ang bilao ng paninda.
Karaniwan na sa mga lokal na tagaroon na maglako ng paninda maging sa mga guest na tumutuloy sa resort na iyon.
“Ano ho ba ‘yan?” at bahagyang iniangat ni Greg ang dahon ng saging na nakatabon sa bitbit nitong bilao.
“Lumpiang togue at banana cue… bagong luto lang ‘yan.”
“Sige ho… bigyan niyo ‘kong tigalawa.”
Binunot ni Greg ang pitaka mula sa likod ng kanyang pantalon at kumuha ng pambayad habang abalang isinusupot ng babae ng kanyang binili.
“Eto oh… sitenta lang lahat…”
Kinuha ni Greg ang supot at iniabot ang kanyang bayad.
“Wag niyo na pong suklian ‘yan.”
“Ay talaga, keep the change?! Nako salamat pogi ha!”
Natatawa na lang si Greg sa babae na masayang umalis na upang alukin din ang isa pang grupo ng bakasyunista.
Akma niyang itatago na ang kanyang pitaka nang mapalingon sa litrato ng kanyang mag-iina na naroon. Napangiti siya habang minamasdan at hinahaplos ang larawan nila Elsa, Pam at Kyle.
Sa kanyang isip ay muling humingi ng tawad sa kanyang panganay dahil sa kapangahasang montik na niyang nagawa dito dahil sa espiritu ng alak at droga.
Kay tagal din niyang inasam na muling magbalik sa dati ang pakikitungo ni Pam sa kanya at labis siyang natutuwa dahil ramdam niyang napatawad na siya ng kanyang anak.
“Ma… alam ko kung nandito ka at nalaman mo lahat, pinutulan mo na ‘ko…”
Nangingisi ito kahit nangingilid ang luha sa mga mata. Sadyang miss na miss na niya si Elsa. Ang nag-iisang babaeng minahal niya ng lubos at totoo.
Napakarami niyang pagkakasala dito kahit noong nabubuhay pa ang kabiyak. Kung may pa-consuelo man siguro ay wala itong nalaman sa kanyang mga pagloloko kaya’t hindi nagdulot dito ng sama ng loob hanggang sa pagpanaw nito. Gayon pa ma’y alam niyang nararapat pa din siyang humingi dito ng tawad.
“Patawarin mo sana ‘ko ha Ma? Sa lahat-lahat…”
Tuluyan nang tumulo ang mga luha ni Greg habang kinakausap ang larawan ng kanyang yumaong asawa.
“Mahal na mahal kita Elsa… at miss na miss na kita… Kung pwede nga lang na makasama kita ulit… Pagod na ‘kong mag-isa Ma…”
Kinuskos niya ng likod ng palad ang kanyang mga mata. Sisinghot-singhot nitong itinago na ang kanyang pitaka. Nang lingunin niya si Diane ay nakita niya itong nagsusulat sa buhangin gamit ang sanga habang nakaupo pa din sa bungad ng cabana. Tumayo na siya upang lapitan ito.
Aguinaldo. Iyon ang nadatnan ni Greg na isinusulat ni Diane sa buhangin na agad naman nitong binura gamit ang paa nang mapansin nito ang kanyang pagdating.
“Andyan ka na pala, Greg. Kanina ka pa ba?”
“Hindi naman, may binili lang ako dyan sa naglalako. O, meryenda tayo.”
Itinali ni Greg ang kurtina sa mga poste upang huwag liparin ang mga iyon saka siya naupo rin sa kutson ng cabana. Maya-maya ay dinala na ng waiter ang dalawang baso ng juice na inorder ni Diane kanina.
Lumipas ang hapong iyon sa kanilang pagkukwentuhan. Dalawang magkaibigang nagdadamayan at kapwa nangungulila sa kani-kaniyang kabiyak ngunit dahil sa magkaibang kadahilanan.
Habang inoobserbahan ni Greg si Diane ay madalas niya itong mapansing malungkot na nakamasid sa isang mag-anak na masayang nagtatampisaw sa may dalampasigan. Mag-asawa at ang kanilang musmos na anak na babae na hindi nalalayo marahil ang edad kay JR.
Naisip ni Greg na malamang ay naiisip ni Diane ang mag-ama nito at nababalisa dahil sa naging takbo ng mga pangyayari. Mga pangyayaring bunga din ng kanilang pagkakasala. Mga pagkakasalang naging sanhi ng pagkasira ng pamilya nito.
Napabuntong-hininga na lang si Greg habang pasimpleng tinitignan si Diane. Gaya ng dati ay hindi niya maiwasang humanga sa kagandahan nito.
Nakabibighaning pagmasdan ang maganda nitong mukha habang nililipad ng hangin ang mga hibla ng kanyang buhok. Sadyang nakakaakit ang lapat ng suot na bestida sa maalindog nitong katawan.
Batid niyang ito na ang pagkakataong matagal na niyang hinihintay. Ang magkasira ang mag-asawa upang mabaling na sa kanya ang atensiyon ni Diane at tuluyan na niya itong maagaw mula sa kanyang kumpare.
Ngunit isang bagay ang kanyang napagtanto. Si Dennis talaga ang mahal nito.
Sa huli nilang pagniniig, ni wala siyang naramdaman na kahit anong koneksiyon kay Diane. Tila ba ang init na kanilang pinagsaluhan noon ay bunga lang talaga ng libog at tawag ng laman. Na tuluyan na ding nasupil.
Ituloy man niya at magtagumpay ang kanyang balak, ibaling man ni Diane sa kanya ang atensyon nito, magpatuloy man ang kanilang relasyon, alam niyang hindi rin ito magiging masaya sa kanyang piling.
Sapagkat ang kaligayahan ni Diane ay nasa kanyang mag-ama. Nasa kanilang pamilya.
Sa pagsapit ng dilim ay nag-bonfire sila sa may pampang. Nanunuot na ang lamig ng preskong simoy ng hangin na amoy dagat. Matapos mapaningas ang siga ay bumalik si Greg sa may casita at kumuha ng cashmere blanket at itinabon iyon sa balikat nilang dalawa ni Diane.
Tuloy lang sila sa kwentuhan. Di alintana na sila na lamang ang tao sa pampang at madilim na ang paligid. Ang tanging liwanag ay nagmumula sa siga sa kanilang harapan at sa mumunting puting ilaw na tila mga bituwin na pumapalamuti sa mga bubong ng mga cabana at sa mga puno ng niyog.
Habang nakaupo sila sa katawan ng buwal na puno ay paisa-isang nag-iitsa si Greg ng mga sanga sa siga. Kay sarap pakinggan ng malutong na tunog ng nasusunog na kahoy na tila pumuputok-putok habang kinakain ng apoy.
Hindi nila pansin ang paglipas ng oras. Minsan ay may tawanan, minsan naman ay matatahimik lang silang pareho habang kapwa nakamasid sa apoy at pinakikinggan ang hampas ng mga alon sa dalampasigan.
Tahimik na minamasdan ni Diane ang lagablab ng siga at ang nagbabagang mga sanga. Minsa’y napapatingala upang sundan ng tingin ang paglipad ng mga alipatong tinatangay ng hangin. Saka tatanawin din ang napakaraming bituwin sa maaliwalas na langit.
Napalingon si Greg kay Diane habang diretso itong nakamasid sa siga. Kita niya ang repleksiyon ng nagliliyab na apoy sa mga mata nito. Maging ang tila pag-alon ng liwanag mula sa apoy ay nagrereflect sa maganda nitong mukha.
Napatitig siya sa mapupula nitong mga labi. Akmang dudukwang si Greg upang hagkan si Diane nang maalerto ito sa kanyang paglapit at bahagyang mapaatras.
Agad din namang natauhan si Greg at nagyugyog pa ng ulo na tila ginigising ang sarili.
“Sorry Diane, sorry… Wag ka sanang mag-isip ng kung ano, nadala lang ako… Pasensiya ka na sa’kin.”
Tumango lang si Diane at ibinaling na muli ang tingin sa apoy.
“Diane…”
“Uhm?”
“Sumobra ako… hindi ako nakuntento… pati tuloy ikaw, nadamay pa sa kagaguhan ko. At kahit nung ayaw mo na, pinipilit pa din kita…”
“Alam mo kung maibabalik lang… siguro pagkatapos nung una, tama na… para hindi tayo mawili… mahirap pala sayo pag nasasarapan eh, namimihasa ka… hahaha” biro ni Greg kay Diane at pabiro naman siyang siniko nito.
“Pero seryoso… minsan lang. Oh kaya, kahit hindi na siguro. Oo… hindi na lang. Siguro sasabihin ko kay Dennis, iba na lang… Kung alam ko lang na magkakaganito pala… Sana hindi na lang…”
Tahimik lang si Diane ngunit nangingilid ang kanyang luha. Maging siya man kasi ay ganoon din ang parating naiisip. Kung maibabalik lang, sana hindi na lang nangyari ang lahat.
“Kaso andito na ‘to eh… Nangyari na… Pero Diane… sana balang-araw… sana mapatawad mo ‘ko.”
Isang malungkot na ngiti lang ang itinugon ni Diane kay Greg. At inihilig nito ang ulo sa balikat ng kumpare habang malungkot na minamasdan ang apoy na unti-unti nang nauubusan ng ningas.
————————-
Dear Dennis,
Alam kong sobrang nasaktan kita. I’m really very sorry.
I’m hoping that someday, mapatawad natin ang isa’t isa. Pati ang mga sarili natin.
Lalayo ako ng ilang araw para makapag-isip. Please don’t look for me. Kailangan kong hanapin ang sarili ko.
We can still be great parents to JR even if our marriage didn’t work.
We may have parted ways but you will always have a special place in my heart.
Take care.
Diane
Maghahatinggabi na. Nasa dining si Dennis at muling binabasa ang sulat ni Diane na nadatnan niya sa kanyang mesa pagpasok niya Lunes ng umaga.
Gabi na siyang nakauwi at para na lang matulog. Ngunit kahit gawin niyang abala ang sarili sa negosyo, kahit pagurin niya ang sarili, panay balikwas lamang siya sa higaan. Sadyang mailap na sa kanya ang tulog ngayon, marahil dahil din sa kanyang mga iniisip.
Bumaba siya sa kusina. Kumuha ng baso at nagsalin doon ng alak. Muli na namang bumaling sa alkohol sa pag-asang doon siya dadalawin ng antok.
Kaninang umaga ay inihatid na niya si JR sa bahay ng mga lola nito. Masaya siyang muling makasamang matulog doon sa bahay ang anak kahit isang gabi lang. Gayon pa man ay hindi niya mapigilang mag-isip kung nasaan kaya si Diane at kung sino ang kasama nito.
“Tapusin na natin ‘to. Alam nating pareho na hindi na tayo babalik pa sa dati. Wag na nating ipilit… Patawad sa lahat, Dennis… Hindi siguro talaga tayo para sa isa’t isa.”
Paulit-ulit na umaalingawngaw sa kanyang isipan ang mga binitiwang salita ni Diane sa kanilang huling paghaharap noong nakaraang linggo. Kahit noong emosyonal si Diane o maging sa nasasaad sa sulat nito ay parehas lang ang mensahe. Nakapagpasya na ito. Hiwalay na silang mag-asawa.
Muling tumulo ang mga luha ni Dennis. Tinungga ng diretso ang laman ng kanyang baso at nagbuhos ulit. Parang namanhid na ang kanyang katawan sa init at pait ng alak. Ngunit ang hindi siya kailanman mamamanhid ay ang sakit ng katotohanang wasak na ang kanyang pamilya.
Inabot ni Dennis ang baril na nakalapag sa kanyang harapan. Nakasabunot sa kanyang buhok ang kaliwang kamay na nakasapo sa kanyang ulo. Habang ang kabila ay sinisipat-sipat ang tangan nitong armas.
Mula nang umalis ang kanyang mag-ina ay hindi na niya mabilang kung ilang beses nang sumagi sa kanyang isipan na wakasan na lamang ang kanyang buhay.
Sa lahat ng babaeng nagdaan sa kanya, iisa lamang ang kanyang minahal ng totoo. Iisang babae lang ang napili niyang makasama sa buhay.
Nanatili pa rin ang pag-asa niyang magkakaayos din sila ni Diane. Ngunit ngayong nakapagpasya na itong tapusin na ang lahat sa kanila, ano pa ang saysay ng mabuhay. Parang gusto na niyang sumuko.
Muli niyang tinungga ang laman ng baso. Halo ang luha at sipon habang lumong-lumong nilalaro ng daliri ang gatilyo ng hawak na baril. Nang biglang tumunog ang kanyang telepono.
May mga mensahe siyang natanggap. Mula ang mga iyon kay Greg.
Pre, ikaw talaga ang mahal ni Diane
Sunduin mo na siya. Mag-usap tayo
————————-
Miyerkules.
Maagang gumayak sila Diane at Greg. Sa pakiusap ni Diane na dumalo sa unang Simbang Gabi ay nagpasya si Greg na doon na lang magpalipas ng magdamag upang maaga silang makaalis kinabukasan.
Gabi pa lang ay nakaempake na ang mga gamit ni Diane. Sabik na itong makauwi upang makasama na muli ang anak. Ngunit nais niyang makapagsimba muna dahil taon-taon niyang panata na kumpletuhin ang siyam na misa ng Simbang Gabi.
Sa sofa na lamang nahiga si Greg ngunit maghahatinggabi na ay hindi pa rin ito dalawin ng antok. Nakamasid lamang siya kay Diane na mahimbing na natutulog sa kama. Muling binabalikan ng isip ang lahat ng mga pangyayari sa kanilang tatlo ni Dennis sa nakalipas na taon.
Sa puntong iyon na niya minessage ang kumpare. Naisip niyang sa halip na ihatid niya si Diane paluwas ng Maynila ay ipasundo na lang niya ito kay Dennis. Baka sakaling makapag-usap muli ang dalawa at magkapatawaran.
Walang kasiguraduhan ngunit ang timbreng iyon man lang ay maibigay niya bilang pabor kay Dennis.
Sinabi niya kung saang simbahan niya sasamahan si Diane kinabukasan. Balak din sana niyang makausap ang kumpare. Hindi man maibabalik sa dati ang kanilang pagkakaibigan, gusto niyang makahingi man lang sana ng tawad dito.
Sige. Iyon lamang ang tanging itinugon ni Dennis sa mga mensaheng kanyang ipinadala. Maigsi ngunit umaasa siyang sisiputin nito ang kanyang paanyaya.
“Ano, sure ka wala kang naiwang gamit mo ha?”
“Oo, ok na. Bilisan na natin Greg… Alas quatro pala ang misa, akala ko 4:30 pa eh.”
At nagmadali na silang umalis upang humabol sa misa.
Naunang dumating sa simbahan si Dennis. Nang mabasa ang mensahe ni Greg ay parang nabuhayan siya ng loob. Hindi na niya alintana kung magkasama man ang dalawa. Ang mahalaga ay matanggap siyang muli ni Diane upang mabuo nang muli ang kanilang pamilya.
Hindi alam ni Dennis kung ano ang kanyang mararamdaman, sasabihin, o gagawin sa muli nilang paghaharap ni Greg. Ngunit umaasa siyang ang pag-uusap nilang iyon ang tuluyan nang tutuldok sa gusot sa pagitan nilang tatlo ni Diane.
Kasisimula lang ng misa. Ayon sa plano ni Greg ay pagkatapos ng misa na lang siya magpapakita kay Diane upang hindi ito gaanong mabigla.
Chineck ni Dennis ang kanyang telepono ngunit wala pang text mula kay Greg. Marahil ay papunta pa lang sila ni Diane doon sa simbahan.
Matao pa din ang misa sa kabila ng pandemya ngunit hindi kasing dami ng mga nakaraang taon. Matatanaw mo sa loob ng simbahan na magkakalayo ang upo ng mga tao. Maging sa labas ng simbahan ay naglagay ng hilera ng mga silyang may mga agwat upang mas marami pa ang makadalo sa misa.
Sa labas ng simbahan ay madaming naglalako ng sampaguita, bibingka’t puto bumbong, mga face mask at kung ano-ano pang paninda. Sinasamantala ang dagsa ng mga tao upang kumita kahit papaano.
Tila ngayon sinisingil si Dennis ng antok mula sa magdamag na walang tulog pati na ng kanyang nainom kagabi. Kaya’t lumapit siya sa isang vendor upang bumili ng kape.
Matapos timplahin sa styro cup ang kape ay inabot iyon ng babae sa kanya. Kinalas niya mula sa isang tainga ang kanyang face mask, hinipan ang laman ng baso saka maingat na humigop.
Ngunit sa kanyang pagpihit ay ganoon na lang ang kanyang pagkagitla sa bumungad sa kanya. Nabitawan niya ang hawak at sumaboy iyon sa lupa.
“Sino ka?! Anong kailangan mo!”
Isang lalaking ilang dipa ang layo mula sa kanya ang may hawak na baril na nakatutok sa kanyang direksiyon. Unti-unting inangat ng nakasalakot na lalaki ang kanyang ulo hanggang sa tumambad kay Dennis ang mukha nito. Punong-puno ng galit ang mga nanlilisik na matang nakatitig sa kanya.
Dahil sa may kadiliman pa ang paligid sa labas ng simbahan ay hindi niya agad nakilala ang lalaking lubog ang mga mata at hupak ang mga pisngi. Ilang sandali pa bago niya napagtanto na ang matandang may nakatutok na baril sa kanya ay walang iba kundi si Kaloy.
Kanina ay inaayos ni Kaloy ang mga panindang face mask at shield na nakalatag sa may bangketa sa labas ng simbahan nang parang mapigurahan niya ang naglalakad na lalaking parating.
Napakusot pa ito ng mata at ganoon na lang ang gulat nito nang makumpirma na ang bumibili sa kanyang tapat ay wala ngang iba kundi si Dennis Aguinaldo. Ang lalaking malaki ang atraso sa kanya. Ang sanhi ng sunod-sunod na kamalasan sa kanyang buhay.
Binugbog. Pinagbintangang nagnakaw. Namatay ang misis sa COVID ng hindi man lang nalapitan at nakita. Kinamuhian at itinakwil ng mga anak. Kung saan-saan napadpad kahahanap ng ikabubuhay. Lahat ng iyon ay dahil sa lalaking nasa kanyang harapan.
Muling nagliyab ang galit niya dito na kay tagal niyang kinimkim. Agad na nagdilim ang kanyang paningin. Kailangan niyang makaganti. Ito na ang pagkakataon.
“Kita mo nga naman, dito pa kita nakita ulit… MALAKI ATRASO MO SA ‘KIN HAYUP KA!”
Agad nagtilian at nagpulasan palayo ang mga taong nakasaksi sa panunutok. Maging ang guwardiya ng simbahan na inagawan ni Kaloy ng baril ay wala nang nagawa sa takot na baka madamay pa ito.
“IKAW ANG MALAKI ANG ATRASO SA’ MIN, KALOY… DEMONYO KA!!”
Kasalukuyang pumaparada si Greg sa tapat ng simbahan nang mapukaw ang kanyang pansin ng kumosyon ng mga tao sa labas. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang lalaking may nakatutok na baril kay Dennis.
“Puta! Si Kaloy ‘yon ah!” bulalas ni Greg na nag-apurang bumaba ng sasakyan.
“Diyos ko! Si Dennis ba ‘yon?!” hiyaw ni Diane na nagmadali ding bumaba upang sundan si Greg.
“PUTANG INA MO DENNIS!! MAKAKAGANTI NA RIN AKO SA ‘YO!”
Napakabilis ng mga pangyayari. Pagkababa ng sasakyan ay agad kumaripas ng takbo si Greg. Hindi inaalis ang tingin sa kamay ni Kaloy na may hawak sa baril na nakaumang kay Dennis.
Napalingon si Kaloy sa lalaking mabilis ang dating at nagulat nang mamukhaan kung sino iyon. Sa pagdating ng humahangos na Greg ay muling ibinaling ni Kaloy ang tingin kay Dennis na akmang lalapit na upang sunggaban ang kanyang kamay.
Sa pagdating ni Greg ay walang alinlangan nitong iniharang ang sarili at mabilis na niyakap si Dennis. Sabay sa pagkalabit ni Kaloy sa gatilyo.
Isang bala ang kumawala mula sa armas. Tumama sa likod ni Greg, tumagos palabas sa dibdib nito at lumusot sa balikat ni Dennis.
“IBABA MO ‘YANG BARIL MO!!” hiyaw ng dalawang nagpapatrolyang pulis sa paligid ng simbahan na agad rumesponde sa kumosyon.
Sa halip na sumunod ay litong itinuon ni Kaloy ang braso sa mga parating na pulis. Akma sanang ipuputok niyang muli ang armas ngunit tigalawang putok agad ang pinawalan ng mga parak at agad humandusay si Kaloy sa mga tamang tinamo.
Napatili na lang si Diane habang umiiyak sa takot at pagkabigla sa nasaksihang pangyayari. Maging ang mga tao sa paligid ay nagkagulo. Kanya-kanyang takbo palayo habang ang iba naman ay nag-uusyoso.
Agad sinalo ni Dennis ang pagbagsak ng duguang katawan ni Greg. Sa tulong ng mga tao sa paligid ay mabilis nilang naikarga ito sa kanyang sasakyan at agad nila itong isinugod sa ospital.
Nasa likod ng sasakyan si Diane habang nakahiga si Greg sa kanyang kandungan. May malay ito ngunit tuloy-tuloy ang pagdurugo mula sa mga sugat na likha ng tumagos na bala at bumubulwak din ang dugo sa bibig.
“DENNIS! BILISAN MO PLEASE!!”
Wala namang magawa si Diane kundi lagyan ng pressure ang mga sugat ni Greg upang subukang maampat ang pagdurugo. Ngunit alam niyang napakaraming dugo na ang nawala kay Greg. Pulang-pula na halos ang palda ng puting bestida niya na hinihigaan nito.
Harurot na ang pagpapatakbo ni Dennis. Naka-hazard lights at panay ang busina sa mga nilalampasang sasakyan. Hindi na ininda ang kirot ng tama sa kanyang kaliwang balikat madala lang agad ang kumpare sa ospital.
“Dennis… patawarin mo ‘ko pare…” lumuluhang sambit nito kahit hirap sa pagsasalita dahil sa dugong umaagas mula sa kanyang bibig.
Saglit na napalingon si Dennis sa likod, inabot ang kamay ni Greg at pinisil iyon ng madiin.
“Ano ka ba Greg! Hindi tayo magkumpare… MAGKAPATID TAYO!! Kumapit ka lang, malapit na tayo sa ospital!”
Umaagos ang luha mula sa mga mata ni Dennis. Muli siyang napakapit ng mahigpit sa manibela at isinagad na ang tapak sa gas. Nabuhayan ng pag-asa nang sa wakas ay matanaw na ang liwanag ng Emergency Room ng ospital.
Tumingala si Greg kay Diane at hinaplos ang pisngi nitong dinadaluyan ng luha. Isang singhap at tuluyang nalaglag ang braso nito.
“GREEEEGG!!!”